Unang-una, siguraduhin na laging nasa correct tire pressure ang iyong mga
gulong. Ang gulong na masyadong malambot ay madaling mabubutas sa daan.
Pangalawa, gawing ugali na tingnan ang kondisyon ng iyong mga gulong bawat
linggo. Dahil sa magandang quality ng mga kasalukuyang goma na tubeless,
hindi agad puputok ang gulong kapag napadaan sa mga pako o matutulis na
bagay.
Kadalasan ay tutusok lang ang pako sa gulong at gagawa ito ng tinatawag na
"slow leak". Ang gulong na may slow leak ay magagamit pa rin, ngunit
kailangan ma-vulcanize agad upang hindi lumaki ang sira sa goma. Kapag
nakakita kayo ng pako o turnilyo o kung anumang nakatusok sa iyong gulong,
huwag na nating i-delay ang pagpa-vulcanize nito! Ayaw na ayay natin na
bumigay ang gulong sa daan.
Alam niyo ba na ang pudpod na gulong ay mas madaling ma-flatan? Nangyayari
ito dahil masmanipis na ang tread ng gulong, at dahil dito ay mas madaling
tumatagos ang mga matutulis na bagay. Kapag madalas na kayong nafa-flatan,
senyales ito na kailangan na sigurong bumili ng bagong gulong.
Paano naman kung na-flatan ka na nga? Madali lang ang pagpalit ng gulong.
Kung nangyari ito sa daan, i-On mo ang Hazard Lights at dahan dahanin ang
pagparada sa shoulder ng kalye upang hindi makasagabal sa ibang motorista.
Huwag pong pepreno ng malakas dahil hindi balanse ang iyong sasakyan at
baka mawalan kayo ng control!
Kapag napatigil na ang sasakyan, ilabas ang iyong Early Warning Device at
ilagay ng 15-20 feet mula sa likod ng iyong sasakyan. Kaya po mejo malayo
ay upang mas makita agad ng kapwa motorista upang maiwasan kayo kaagad.
Next, ilabas ang Tire Jack, Cross Wrench, at Spare Tire.
Bago man iangat ang sasakyan, luwagan na ang mga nut ng flat tire upang
masmadali itong tanggalin. Kailangan mo itong gawin dahil mahirap luwagan
ang mga nut kapag umiikot na ang gulong sa sa ere.
Kapag naluwagan na, i-posisyon ang Tire Jack sa lift points ng kaha.
Makikita ang mga marka nito sa ilalim ng sasakyan, pero kung hindi kayo
sigurado kung saan, malalaman ito sa iyong Owner's Manual. Mahalaga pong
gamitin ang Tire Jack sa wastong lift point upang hindi ma-damage ang kaha
ng iyong sasakyan.
Kapag mataas taas na ang sasakyan, i-pwesto ang Spare Tire sa ilalim ng
kaha, para kung sakaling biglang bumigay ang Tire Jack ay masasalo ng
gulong ang sasakyan.
Kapag nakalawit na ang flat tire, simulan nang alisin ang mga lug nut nito
upang matanggal ang gulong. Kapag ayaw matanggal ang gulong, madali lang
ang solusyon diyan: Sipain ninyo! Umm!
Kapag natanggal na, ipagpalit ang Spare Tire sa Flat at ilagay ang ang mga
lug nut.
Kapag secure na ang gulong, alisin ang Flat Tire sa ilalim ng kaha at
unti-unting ibaba ang sasakyan. Kapag nakababa na ang sasakyan, higpitan
ang mga lug nut sa tinatawag na "star" pattern upang pumantay ang torque
nito.
Finally, iligpit ng maayos ang mga gamit. Huwag kalimutan ang Early Warning
Device! Mabuti rin kung may baon kang panglinis ng kamay upang hindi
madumihan ang loob ng iyong Isuzu.